Monday, August 23, 2010

LUHA NG PAGLISAN


Ilang minuto na lang lalapag na ang eroplanong sinasakyan ni Renato sa NAIA. Subalit tila kakaiba ang nararamdaman ni Renato kumpara sa mga ibang Pilipinong nasa loob ng eroplano. Hindi tuwa o pananabik ang kanyang nararamdaman kundi kaba, takot at lungkot ang pumapaimbabaw sa kanyang damdamin.

Habang nakatanaw sa labas ng bintana ng eroplano, biglang bumalik sa kanyang gunita ang gabi bago sya umalis papuntang Saudi Arabia para doon magtrabaho.

“Pa, wag ka ng umalis dito ka na lang” lambing Carlo sa kanyang ama habang umaagos ang luha sa kanyang mga mata

“Anak kailangan mag-abroad ni Papa,para din sa inyo yun Carlo! Ayaw mo yun makakabalik ka na uli sa Private School, tapos mabibili na natin lahat ng gusto mong laruan!Ayaw mo ba yun Carlo?” tugon ni Renato sa siyam na taong gulang na anak.

“Pa, dito ka na lang!Pleaseee papa, pagbubutihan ko na lang ang pag-aaral ko 'Pa!”pagkukumbinse ni Carlo sa kanyang ama.

“Tama na yan Carlo, matulog ka na, gabi na! Maaga pa ang pasok mo bukas!” Pagmamatigas ni Renato, sabay hatid sa anak papunta sa kanyang higaan.

Bagama’t naaawa sya sa kanyang anak, mas nanaig ang kagustuhan ni Renato na mabigyan ng magandang bukas ang kanyang nag-iisang anak. Kahit mabigat sa kanyang kalooban ang napipintong pag-alis, pilit na nagpapakatatag si Renato at pangatawan ang malaking desisyon sa kanyang buhay

“Hon di ba pwedeng dito ka na lang sa Pinas, okay naman tayo dito ah! Mapagkakasya pa naman natin ang kinikita mo sa pang-araw araw nating gastusin”, pangungumbinse ni Cecil sa kanyang asawa.

“Hon, akala ko ba napag-usapan na natin ito?Kung ako lang ang pamimiliin gusto kong magkakasama na lang tayo sa hirap at ginhawa. Pero Hon, walang ginhawa eh, puro paghihirap na lang!. Magkano ba ang kinikita ko sa Munisipyo?sa atin lang kulang pa yun !Lumalaki na si Carlo, Hon. Kaya kailangan nating paghandaan ang kinabukasan nya” tugon ni Renato sa nalulungkot na maybahay.

Hindi umimik si Cecil sa tinuran ng asawa. Agad niyakap ni Renato ang kanyang asawa at pilit itong inaamo. Kanilang sinusulit ang bawat sandali na nalalabi pa bago ang kanyang paglisan. Kanilang pinupunan ng kanilang yapos ang mga araw na hindi sila magkasama.

Batid ni Renato ang bigat ng kalooban ng kanyang asawa’t anak sa kanyang paglisan. Pilit nyang kinukondisyon ang sarili at nilalakasan ang kanyang kalooban para sa kinabukasan na rin ang kanyang pamilya.

Dumating na ang araw ng paglisan ni Renato. Katulad din nya marami ding mga pamilyang nag-iiyakan dahil sa pag-alis ng kanilang mahal sa buhay. At hindi rin naiiba rito si Renato. Agad nyang niyapos at niyakap ang kanyang mag-ina. Habang patuloy na dumadaloy ang mga luha at pangahoy sa kanilang mga puso.

“Hon ikaw na bahala kay Carlo! Ikaw din Hon, ingatan mo ang sarili mo! Pangako, babalik agad ako. At kung makaipon ako ng malaki, di na muli ako aalis pa” Sabay halik ni Renato sa kanyang asawa kasunod ng isang mahigpit na pagyapos.

Agad din syang yumukod at kinausap ang kanyang anak, tila nakikiusap ito na maintindihan ang lahat kahit na sa mura nyang isipan.

“Carlo ingatan mo si Mami ha! Be a good boy, wag mong paiiyakin si mami ha!Sundin mo si Mami lagi” pamamaalam nya sa kanyang anak.

Tanging pag-iyak lamang ang sinukli ng kanyang anak sa kanya.Ayaw bitiwan ni Carlo ang ama, ngunit pilit na lang itong nilalayo ng kanyang ina. Hirap na hirap ang kalooban ni Renato at pumasok sya sa paliparan ng may mabigat na kalooban.

Lumipas ang maraming buwan , pilit na nagsusumikap si Renato sa lupang banyaga para sa kanyang pamilya. Hindi pa rin masanay si Renato sa mangungulila sa kanyang mag-ina. Nilalabanan niya ang kalungkutan sa pamamagitang ng kanyang masidhing kagustuhan na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mag-ina. Bawat pawis ay inaalay nya sa kanyang pamilya. Bawat luha ng pangulila ay pilit nyang kinukubli ng kanyang pangarap para sa anak. At bawat sakripisyo ay kanyang ginagawa para sa magandang buhay kasama ang kanyang mag-ina.

Subalit isang umaga isang tawag ang gumising kay Renato. Isang tawag mula sa nakakabata nyang kapatid na si Claire.

“Kuya...................” sunod na sunod na pagiyak ang narinig ni Renato sa kabilang linya.

“Si Ate Cecil at si Carlo Kuya!!!....................” hindi nagagawang pang tapusin ang bawat pangungusap dahil sa hagulgol ang pagiyak.

“Claire magsalita ka! Ano nangyari sa mag-ina ko!! Anoooo!!!’ Hiyaw ni Renato sa kanyang kapatid

“Kuya... si Ate Cecil at si Carl..............pinatay! Minasaker sila kuya..........!!!

Biglang napaluhod sa Renato sa kanyang narinig. Tila dumilim ang paligid sa balitang kanyang natanggap. Umagos ang luha sa kanyang mga mata. Panaghoy at mga malalakas na hikbi ang naging paraan nya para mailabas nya ang bigat na emosyon na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso.

Para syang binuhusan ng napakalamig na tubig sa kanyang ulo. Para syang mababaliw, para syang mawawal sa sarili. Umiyak sya ng pagkalakas lakas ngunit tanging mga dingding lamang ang nakakarinig nito. Gusto nyang sumigaw, subalit tanging ang kanyang higaan ang tanging sumalo ng lahat ng kanyang hinagpis.

Hindi na makapagtrabaho pang muli si Renato, halos gabi gabi na rin syang hindi makatulog . Dahil na rin sa hindi magandang balita na ito,agad ding inaayos ng kanyang kumpanya ang pag-uwi ni Renato sa Pilipinas. Kaya hindi na rin sya nag-atubuli si Renato na umuwi, batid na nya ang tagpong dadatnan nya. Takot, pangamba, labis na dalamhati at pagsisisi ang mga emosyong bumabalot kay Renato. Nais nyang magsisi dagil iniwan nya ang kanyang mag-ina. Ngunit batid nyang naging biktima lang din sya ng kahirapan at kanyang mabuting hangarin sa pamilya ang naging dahilan din ng kanyang pagsisisi.

Binasag ang malalim na pag-iisip at pagbabalik tanaw sa nakaraan ng isang tanong mula sa kanyang katabi sa eroplano.

“Kabayan, malapit na tayong lumapag!Sino ba susundo sa iyo kabayan?Pamilya mo?”

Hindi umimik si Renato, tiningnan lang ang katabi at kapagdakay tumingin muli sa bintana habang unti-unting dumaloy ang luha sa kanyang pisngi.

Tumigil na ang eroplanong sinasakyan ni Renato. Habang ang lahat ay pawang mga masasaya at tila sabik na sabik sa mga pamilyang sasalubong sa knila. Tila nais humakbang pabalik ni Renato dahil natatakot sa kanyang dadatnan sa bahay. Nakikinita na nya ang hinagpis, dalamhati at kalungkutang bumabalot sa kanilang bahay kasama ang mga kamag-anak na nakikiramay sa kanya.

Batid nyang kakaiba ang pag-uwi nya kumpara sa kapwa OFW sa eroplano. Habang nakikita nyang nagyayakapan ang bawat pamilya sa muling pagkikita, tila tinususok ng punyal ang kanyang puso dahil mukhang sa ala-ala na lang nya makakasama ang kanyang mag-ina.

Kakaiba ang araw na yaon para sa kanya. Kakaiba ang pagsalubong sa kanya. Walang ngiti, walang saya, walang pananabik at walang pamilyang nag-iintay sa kanya sa kanyang pagbalik.

Isang pagsasakripisyong tila nawalang saysay, pagsisikap na hindi man lang nasuklian. Pagpapagal ng katawan at kalooban na hindi man lang napahinga. At pusong nanabik na hindi na muling masisilayan ang pamilyang pinag-alayan nya ng lahat.

Biglang bumuhos ang ulan, tila nakikisama na rin sa kanyang pagdadalamhati. Agad syang sumakay sa TAXI na nag-aabang sa paliparan. At mula dooy, muli nyang tinahak ang daan pauwi. Daan na ayaw nyang bagtasin . Pagtahak sa mapait na katotohanan. Katotohanan na kailan man ay hindi kayang pasubilian ng pagsisisi at hindi kaya baguhin ng luha at hinagpis.

Luha ang naging saksi ng lahat bago sya umalis ng Pilipinas , luha ang naging simula ng pagkawalay nya sa kanyang pamilya.Ngunit luha din ang magiging saksi muli ngayon babalik sya sa Pilipinas , luha din ang naging wakas dahil kailanman hindi na nya makikita at makakasamang muli ang kanyang pamilya.


Salamat po,