Madalas ba kayong sabihang “Ay, ang pangit mo naman sa piktyur”. Ako, madalas akong putaktehin ng linyang yan, sabi nila ibang iba daw ang mukha ko sa piktyur at sa personal. Kaya naman hindi ko na alam kung paanong pagpo-project ang gagawin ko sa harap ng camera. Subukan kong ngumite lumalaki ang butas ng ilong ko (baka makita pa ang kulangot ko), subukan kong hindi mag-smile eh mukha akong may bad breath na hindi pwedeng buksan ang bunganga. Subukan kong magpakyut pero ang lumalabas NAKAKATA-KYUT. Kaya hindi ko na talaga alam, madalas lahat ng piktyur ko puro nakangisi ang ngiti ko, yung tipong nang-uuto ang dating.
Sabagay , okay na rin na panget ako sa piktyur at okay naman daw ako sa personal . Pero minsan kasi baka sinasabi nila yun para hindi sumama ang PILINGS ko .Kaya para hindi halatang panlalait ang gagawin nila, eh ganun na lang ang mga sinasabi nila sa akin.
Sabi nila pag sinabihan kang daw Mr or Ms Photogenic, dapat daw ay huwag kang matuwa kasi ibig sabihin nun “maganda o gwapo ka lang sa piktyur at panget ka sa personal”. Eh buti naman nga at wala pang nagsasabi sa akin nyan, yun nga lang din wala naman nagsasabi sa akin na “Gwapo ako sa personal”, so parang ganun din.
Marami din ang nagsasabi na may tamang anggulo raw para magmukhang okay ang piktyur mo. At kailangan alam mo ang anggulo mo para pag pipiktyuran ka na otomatik na kikilos ang katawan mo na parang robot para magpakyut sa camera. Parang yung ate ko, mula 1980 hanggang ngayon iisa ang hitsura, porma at anggulo sa camera, yung tipong mukhang natatae lang(eh sya lang naman ang nagagandahan sa piktyur nya). Pero kung tatanungin mo ako ang magandang anggulo para sa akin ay pag nakatalikod ako.
Sabi nila nasa magandang tama daw ng ilaw o liwanag yan para magmukhang okay ang piktyur, yun nga lang kahit halos makipagpatintero na ako sa araw hanggang ngayon wala pa rin akong magandang kuha. Kahit halos masunog na ang mukha ko kakatapat sa magandang tama ng ilaw eh waepek pa rin.
Pero kung minsan nakakatsamba ako lalo na’t pag blurred ang piktyur, natatakpan ang mukha ko at pag nalalagyan na ng mahiwagang ADOBE PHOTOSHOP. Medyo gumagwapo gwapo na ako dun.
Oo nga pala kaya ko naisip ang topic na ito, kasi masama ang loob ko ngayon. Matagal ko na kasing kinukulit yung kaibigan kong isend sa akin yung mga piktyur naming last New Year, at natanggap ko kanina. Habang excited akong tingnan ang piktyur, nabwisit lang ako sa nakita ko, kasi mukha akong bangkay sa lahat ng piktyur ko.At halos lahat din ay kinuha habang nasa pinapangit akong anggulo. Ang sama pa nyan ako lang ang pangit sa amin. (hindi kaya mukha ko talaga ang may problema at sinisisi ko lang sa camera, hahaha, malamang)