Usong uso ang new year’s resolution ngayon ,pero hindi ko naman talaga alam kung dinadaya lang ba nila ang sarili nila o gusto lang nilang makiuso.
Dati noong bata pa ako, gumawa rin ako ng kapuwitan na yan, talaga namang nilagay ko pa yan sa magandang papel at tinago ko pa sa kabinet. So parang agreement kumbaga, may pirma ko pa yun at ito ang mga natatandaan ko sa mga naisinulat ko doon:
1. Lagi na akong magwawalis ng bakuran
- Hindi ko natupad yan, kasi mukhang epektib lang yun ng dalawang araw kasi pagkatapos nun tinamad na ako mas gusto ko pa ring humilata, manood ng TV at kumain ng Piatos
2. Lagi na akong susunod sa nanay at tatay ko
- Naku hanggang isang linggo lang yan, kasi nga madalas ako ang pinapangutang ng nanay ko sa tindahan. Eh nagbibinata na ako nun tapos nangungutang pa ako ng isang kilong baboy at magsuga ng kalabaw sa bukid. Ano na lang ang iisipin ng mga kras ko, kaya hindi ko talaga sinunod ang nanay at tatay ko, hehehe!!
3. Magiging mabait na ako sa mga kapatid
- Naku umabot lang yan ng 3 oras, kasi naman kinain nya yung tinitipid tipid kong CHOKOBOT (choc-nut), hayun pinaghahabol ko ng suntok at batok. Umiyak naman ang luko kaya tuloy palo sa puwet ang inabot ko, may free pang kurot.
4. Magsisipag na ako sa pag-aaral
- Medyo umabot naman yan ng 3 linggo, kasi bago ang notebook at ballpen ko kaya masarap ipansulat. Pero makalipas nun, balik buhay tamad uli mas pinili ko pang manood ng Cedie ang Munting Prinsepe at Shaider kesa mag-aral.
5. Kakain na ako ng gulay
- Naku hindi rin kinaya ng kapangyarihan ko yan, kasi sinubukan kong kumain ng ampalaya nun, isinuka ko lang yun na halos lumabas na ang bituka at lumuwa ang mata ko. Mula noon hindi na akong naulit pa kumain ng gulay. Ayaw ko talaga ang lasa ng gulay kaya tuloy dala ko ito hanggang ngayon.
Yan ang mga natatandaan ko sa kapuwitan kong NEW YEAR’S RESOLUTION noong bata pa ako, madalas hindi naman tumatagal yun ng isang taon, pinakamatagal na ang isang buwan. Kaya nga naisip ko mukhang niloloko ko lang ang sarili ko mas maigi pang gawin ko na lang kaysa pilitin ang sarili ko para lang makiuso sa paggawa ng ganyan. Kaya ngayon malaki na ako eh medyo hindi ko na ginagawa yan.
Basta sana maging maganda ang taong 2009.
No comments:
Post a Comment