Saturday, September 11, 2010

Paglalakbay sa Batha

Ang Batha ay isang lugar sa Riyadh, Saudi Arabia na kung saan tagpuan ito ng mga Pilipino. Mistula itong maliit na Quaipo dahil sa dami ng mga paninda, kainan at palengke. Paboritong tambayan ng mga Pilipino sa Saudi para maibsan kahit kaunti ang kanilang pangungulila sa kanilang pamilya na nasa Pilipinas.


Madalas din akong pumunta sa Batha, dahil dito ako namimili at namamalengke. Madalas din akong makipagkwentuhan sa mga kapwa ko Pilipinong nandito rin sa Saudi. Kahit pa hindi ko sila personal na kakilala, ngunit batid kong pareho kami ng damdamin at adhikain para sa aming pamilya.Dito ko nakausap at nakapanatagan ng loob si Mang Agustin.Nasa edad 60 na sya at makikita mo na rin sa kanyang mukha ang kanyang edad. Isa syang mekaniko sa isang maliit na talyer at nandito sya sa Saudi ng halos dalampung limang taon . Payat, humpak ang mukha, manipis na rin ang kanyang buhok at mababanaagan sa kanya ang kapaguran dahil sa kabigatan ng kanyang trabaho.


“Tay, di ba dapat retired na kayo sa atin sa ‘Pinas? Medyo matagal na rin po kayo dito. Dapat ang mga anak nyo na ang bahala sa inyo ngayon” ani ko sa kanya


“Naku, wala na akong aasahan sa lima kong anak. Lahat puro nagsipag-asawahan ng maaga, ni hindi man lang nakatapos sa pag-aaral. At hanggang ngayon sa akin pa rin sila umaasa” . Kasunod ang isang malalim na buntong hininga.Muli akong nagtanong


“Ganun po ba tay?Pero di na po kayo bumabata?Kaya nyo po ba?

“Oo naman iho, malakas pa ako sa kalabaw!Saka kailangan eh! Ganun nga siguro ang buhay, kailangan mong magsakripisyo para sa pamilya mo”.

Nasilayan ko ang pamumula ng kanyang mata. Pakiramdam ko nais na rin nyang makapagpahinga at makasama ang kanyang pamilya sa Pilipinas. Subalit dahil sa kanyang sitwasyon, kinakailangan nyang magtiis at magsakripisyo para sa kanyang pamilya hangga’t kaya pa ng kanyang katawan.


Nagpaalam na ako sa kanya, dahil bibili pa ako ng gulay sa Al Swalim (minimarket sa Batha), at dito nakasabay ko sa pamimili si Caloy. Dati ko syang nakasama sa trabaho, subalit dahil siya ay isang takas o walang kaukulang papel para magtrabaho, palipat lipat sya trabaho.


“Pare kamusta ka na?San ka ngayon pre?“ tanong ko sa kanya .


“Pre nakalipat ako dyan malapit sa kumpanya natin, medyo binarat nga ako sa sahod pero okay na yun. Nakakapart-time din naman ako sa pagkikristo sa sabungan tuwing Byernes, kaya okay na rin” tugon nya sa akin.


“Hahahaha! Pre ilegal na nga papel mo, tapos ilegal pa ang part-time ko” pabiro kong sabi kay Caloy.


“Ganun talaga pre kailangan kumita ng pera eh! Lumalaki ang gastos sa Pinas, nagka-dengue pa yung bunso kaya walang ilegal sa taong naghihirap” pabiro din nyang sagot sa akin.


Nagpaalaman na rin kami sa isa’t isa dahil kailangan na naming madaliin ang pamimili dahil magSA-SALLAH na o oras ng pagdadarasal ng mga Muslim na kung saan sinasarado nila ang lahat ng establisyemento para magdasal.


Lumabas ako ng Swalim limang minuto bago mag-SALLAH. At sa labas makikita mo ang mga nagkumpol-kumpol o grupo grupo ng mga Pilipino. Ang iba sa kanila mga nakasuot pormal, ang iba naman ay mga nakasuot ng T-shirt ng kanilang kumpanya. Ang iba sa kanila may dala ng supot ng kanilang pinamili, ang iba naman ay may bitbit na mga bagong biling computer, cellphone at kung ano ano pang gadget. Ang iba seryosong tumitipa ng kanilang telepono at ang iba ay mga nakikipagkwentuhan ng kapwa Pilipino tungkol sa kanilang karanasan sa Saudi Arabia.Ang iba ay nakatanaw sa malayo at ang iba naman ay abala sa paghahanap ng mga pasalubong sa Pilipinas.


Ibat-ibang kwento ng mga Pilipino, ibat-ibang mukha ng OFW sa Kaharian ng Disyerto. May mga kwento ng tagumpay, may kwento ng kalungkutan. May nakakatawa at may nakakatakot. May nakakaawa at mayroon din nakakapagbigay inspirasyon. Ibat-ibang Pilipino ang nagtatagpo sa Batha, subalit may iisang puso ang nagbibigkis sa kanila. Pusong nagnanais lamang na tumulong para sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Magsakrpisyo man, mangulila at maghirap sa ibayong dagat.


Tumawag ako ng taksi para makauwi na at makapagpahinga. Matapos ang matagal na tawaran sa isang Bangladeshi napapayag ko rin sya na ihatid ako sa aking bahay. Habang unti unting dumidilim ang kalangitan at nagsimula na ring magbukas ang mga ilaw ang tindahan sa buong BATHA.

Habang lumalakbay papalayo ang taksi na aking sinasakayan, hindi pa rin maaalis sa aking isipan ang pagkahabag ko kay Mang Gustin . Naaawa ako dahil tila kahit nasa dulo na sya ng byahe ng kanyang buhay subalit kailangan pa ring nyang magsakripisyo para sa kanyang pamilya.Humanga din ako kay Caloy kahit na alam kong ilegal ang kanyang ginagawa at batid din nya ang pararusahang kaakibat ng kanyang pagiging takas, ngunit nakakikipagsapalaran sya at tinatagan ang kalooban para sa mag-iina nyang umaasa sa kanya.


Binagbagtas ko ang daan palayo ng BATHA.. Ang BATHA ang naging kanlungan ng aming pangungulila, ang BATHA ang naging tagpuan ng kapwa Pilipinong nakakaintindi ng hirap at sarap ng buhay abroad. Subalit gaano man ako kakumportable sa lugar na ito, hindi pa rin ito ang aking tahanan. Pansamantala lamang ang kasiyahang maidudulot sa akin ng lugar na ito. Kailangan ko pa ring umuwi sa aking bahay at gawin ang dapat kong gawin. Kailangan ko pa ring maglakbay pauwi at harapin ang realidad ng buhay.Mahaba pa ang byahe ko pauwi.


Hindi ko rin alam kung magiging dirediretso ba ang daan o baka baku-bako? Maraming kayang pasikot-sikot, mabilis kaya ang byahe o baka magtagal ako at mainip? Hindi ko kabisado ang magiging daan, pero sigurado ako sa aking pupuntahan.Subalit ano mang daan ang tahakin ng TAXI Driver palayo ng Batha panatag din ako na ako’y makauwi rin.

Handa akong magtyagang mag-intay. Matagal man ang byahe o maraming pasikot-sikot , basta umaasa akong mararating ko rin ang dapat kong kapuntahan. Papasaan ba’y makakauwi rin ako para makapagpahinga na sa aking bahay.Marahil nga nagsisimula pa lang ako, pero gaano man kahaba ang lalakbayin ko pa, alam kong kakayanin ko rin ito kahit mag-isa. BASTA ANG ALAM KO KAILANGANG KAYANIN KO ITO.


Salamat po



4 comments:

Joel said...

OMG! namove ako sa kwento ni Mang Gustin, dapat sya na ang nagpapahinga sa pilipinas eh.. sa edad nyang 60 dapat nagrerelaks na lang sya dito.. I honor those filipino na nagsasakripisyong makipagsapalaran sa labas ng bansa, syempre kasama na si drake dun.. pakatatag lang kayo, kakayanin nyo yan..

darklady said...

Sana yung mga anak na lang ni Mang Gustin ang nag wowork.

Matagal na pahinga din ang mangyayari sayo nyan ah, diba walang pasok dyan now?

Ingat!!

Adang said...

kay mang gustin mahirap din na di nya nasusubaybayan yung anak nya nung time na ng bibinata o nagdadalaga yun mga yun,..pero ngayon may sarili na silang pamilya, dapat di na sila umaasa kay Mang Gustin,tsk tsk.(baket ba ako apektado ?)

Anonymous said...

naiyak ako sa poste mong ito sir.
sana magkita tayo one time sa Batha.

God bless po!