Wala na akong masasabi pa kundi ASTIGGGGGG at ang LUFFFEEEETTT ng video na ito:
Wednesday, March 3, 2010
ASTIG NA VIDEO!!! IBANG KLASE
Wala na akong masasabi pa kundi ASTIGGGGGG at ang LUFFFEEEETTT ng video na ito:
Sunday, February 7, 2010
ITAGTAG MO! (Workstation)
May mga bagay kasi na hindi ko maipost sa main blog ko, dahil sa mga sumusunod na kadahilanan
a. Walang kwenta ang sinulat ko at masyado lang talagang malikot ang utak ko
b. May mga sinulat akong hindi gaanong maapreciate ng ibang mambabasa
c. Dahil naka-add ito sa aking FB account
d. Dahil maiikli at mahahaba ang ilang post dito
e. Trip ko lang na dalawa blog ko at gusto kong pahirapan ang aking sarili.
Moving on…………..
Dahil na I-tag ako ni Jepoy . Dapat daw ipakita ang aking workstation sa aking blog at kung ano-ano ang makikita dito, at heto na nga yun:

a. Computer monitor (hindi naman halata)
b. Aking pulang mug (na may kulay blue din)
d. Office Supplies (stapler, gunting, post-it pad, pentel pen, lapis ,pantasa at ballpen)
e. Aking nameplate (baka kasi mawala ako)
f. Mahiwagang NOTEPAD (nandyan lahat ng drowing ko pag inaantok ako)
g. Planner (Meralco Planner 2006 pa yan, pero ginawa ko na yang phone/contact book)
h. Susi (kay bossing yan, kinuha ko lang)
i. Scanner (na kasing laki ng bandihado)
j. Printer (wala ng eksplenasyon)
k. Paper Towel (pag may sipon ako)
l. Halaman (plastic lang yan!At pampadami lang ng kulay)
m. Malaking halaman (tunay yan, para marami akong masinghot na oxygen)
Yan lang naman ang laman ng aking office, medyo ginagawa ko rin yang coffeshop (dahil umiinom lang ako ng kape maghapon), internet shop( maghapon lang din ako nag-iinternet), bedroom (dahil tulugan ko rin yan), playground (dahil naglalaro ako ng kotse-kotsehan dyan) at dinning room (dyan din ako kumain)
Ngayon alam nyo na kung saan ako nagtatrabaho, at nakita nyo na rin ang aking workstation!
Sunday, January 17, 2010
Pagpapaalam at Paglisan

“Opo, babangon na po”, malumay kong sagot.
Mabigat sa pakiramdam ang umagang iyon, pilit pa akong nilalamon ng aking antok dala na rin sa pagod na naramdaman mula sa pag-iimpake ng aking mga gamit kinagabihan. Hinahalina pa ako ng lamig ng hangin mula sa aming bentilador at ginagayuma rin ako ng init na binibigay ng aking kumot.
“Anak gising ka na! parating na ang Ninong mo!” ikalawang pag-alarma ng aking ina, sabay tapik sa aking balikat para muli akong gisingin.
Agad akong bumangon at sinimulang ligpitin ang aking pinaghigaan. Tila bawat paggalaw ay tila may isang malaking batong nakapatong sa aking katawan. Mabigat sa pakiramdam at mahirap sa kalooban. Sa mga panahon na iyon gusto kong pigilin ang oras at sa mga pagkakataon ring iyon gusto kong tumakbo pabalik ang kamay ng aming relo.
Bawat minutong lumilipas ay tila isang pahina ng aklat ang nabubukas sa aking diwa. Mga pahina ng mga magagandang nakaraan ang bumalik sa aking ulirat mula sa halos isang buwan na pagbabakasyon sa bansang Pilipinas.
Kasabay ng aking pagbubuntong hininga ay pagbabalik ng aking magagandang alaala kasama ng aking pamilya noong Pasko at Bagong Taon. Isa-isa ring nanumbalik ang bawat halakhak at masasayang alalala na kasama ko sila. Mistula akong baliw na ngumingiti mag-isa at kalauna’y napapalitan din ng malungkot na mata at mabagal na paghinga.
“Anak, maligo ka! Naihanda ko na rin ang damit mo, kunin mo na lang sa may plantsahan!” paalala ng aking ina habang nagluluto ng aming agahan sa kusina.
“Opo” mabigat kong sagot.
Madilim pa sa labas at hindi pa sumisiwang ang bukang liwayliway. Katulad ng aking nararamdaman noong mga panahon na iyon, madilim , malungkot at tila walang liwanag ang gustong pumasok sa aking puso.
Binuksan ko ang gripo, at umagos ang malamig na tubig. Lumikha ito ng malakas na ingay at sinimulan ko ng ibuhos ang malamig na tubig sa aking katawan. Umagos ang tubig mula sa aking ulo subalit kasunod nito ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata. Ang lagaslas ng tubig sa aming timba ang tumulong sa akin na itago ang mga impit kong hikbi. Ayaw kong ipakita sa kanila na mahirap sa akin ang paglisan at ayaw kong iparamdam sa kanila na nalulungkot ako at nahihirapan. Lalabas ako ng banyo ng walang bakas ng luha at ingay ng aking mga hikbi. Lilisan ako sa amin ng walang bakas ng lungkot at pangungulila.
Matapos kong maligo at magbihis, lumabas akong nakangiti. Subalit ito’y isang mababaw na ngiti lamang, hindi pa rin kayang dayain ng aking ngiti ang lungkot ng aking mga mata. Pilit kong kinakalimutan ang napipintong pagpapaalam, at pilit kong nilalabanan ang kalungkutan. Mahirap magpanggap ng ibang emosyon at lalong mahirap itago ang tunay kong nararamdaman.
“Nay, ano ulam natin?” tanong ko sa aking ina
“Heto corned beef at itlog” sagot ng aking nanay
“Ano ba yan nanay, masyado namang tipikal. Akala ko pa naman ipaglilitson nyo ako!”sabay ngiti at tukso sa aking ina.
“Eh hayaan mo sa susunod na lang anak, ipaglilitson pa kita ng 3 baboy”pabirong tugon ng aking ina.
Pilit kong ginagawang biro ang luto ng nanay, at sinusubukan kong tuksuhin ang nanay.Ngunit batid ko sa aking sarili na mas pipiliin ko pang kumain ng corned beef at itlog araw araw basta si nanay lang ang magluluto kaysa kumain ng masasarap na pagkain mag-isa. Tyak hahanapan hanapin ng aking panlasa ang luto ng nanay, tyak hahanapin hanapin ko ang corned beef ni nanay , tyak hahanap hanapin ko ang pagluluto sa kusina ni nanay at tiyak hahanap hanapin ko si nanay.
Ayoko kong maging malungkot noong mga araw na iyon kaya pilit kong binabago ang aking atensyon kaya sinimulan ko nang kumain. Sa bawat paglugnok ko ng pagkain ay tila bumabara ito sa aking lalamunan. Nahihirapan akong lunukin ang pagkain, nahihirapan akong lunukin ang katotohanang aalis muli ako at iiwanan ko ang aking pamilya.
“Tay, kamusta na po ba yung bukid natin?” binasag ko ang kalungkutan ko ng tanong sa aking tatay habang sya ay nag-aayos ng kanyang sarili dahil sasama sya paghatid sa akin sa airpot.
“Okay naman anak, nakapag-araro na rin at nasimulan na rin ang ating pagpapatanim” tugon ng aking tatay.
“Ganun po ba?Basta tay wag na kayong magpapakapagod ha! Alam nyo namang ayaw ko kayong nakikitang nahihirapan, ipaupa nyo na lang at ako na ang bahala doon basta sabihin nyo lang ha!”sambit ko sa aking tatay.
Gusto kong magpakasarap na lang ang tatay ngayon dahil sa edad na 59 ay halos nakuba na sya sa bukid para mapag-aral lang kaming 8 magkakapatid. Ayaw ko ng mahirapan ang tatay sa bukid kaya pinipilit ko syang huwag ng mag-alala pa at ako na ang bahala sa lahat ng gastusin basta mangako lang ang tatay sa akin na huwag nyang pababayaan ang kanyang kalusugan.
“Oo naman anak, medyo kahit papaano ay ginhawa na talaga tayo ngayon, kaya hindi na ako pwersado sa bukid”pagmamalaki ng aking tatay.
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi, natutuwa akong nararamdaman nila ang ginhawa sa buhay kahit konti lang. Natutuwa akong hindi na sila nahihirapan sa buhay at dama na nila kahit paano ang sarap ng buhay.
Naging mabilis ang aking pagsubo dahil tila nakaramdam ako ng konting saya sa aking puso.Unti unti kong naubos ang aking pagkain at nagsimula na ring magsibangon ang aking mga kapatid dahil maaga rin ang kanilang mga pasok sa trabaho at eskwela.
“Eric, basta ikaw na bahala sa mga nanay at tatay! Saka kung may problema i-email mo lang ako”
“Ronald, galingan mo ang trabaho mo para mas lalong matuwa ang boss mo sa iyo!”
“Rose, si nanay lagi mong tingnan ang BP nya. Saka mag-iingat ka sa mga duty mo sa ospital”
“Orland, imaintain mo lang ang mga matataas mong grades!Yung matrikula mo ipapadala ko na lang next month”
Isa-isa kong binilinan ang aking mga kapatid. Gusto ko pa sanang magkipagkwentuhan sa kanila. Gusto ko pa sanang sulitin ang bawat nalalabing segundo kasama nila. Subalit tila limitado ang mga salitang lumalabas sa aking mga labi. Agad kong niyakap sila ng mahigpit, marahil sa ganitong paraan mas lalo nilang maramdaman ang pagmamahal ko at pangungulila ko sa kanila.
Poootttttttt!!!!!!!
Isang busina ang umagaw sa aming atensyon.
“Anak, nandyan na ang Ninong mo!” hiyaw ng aking ina.
Tila lalong bumilis ang oras, at lalo kong naramdaman ang bigat ng aking kalooban. Hinanap ko ang aking nanay dahil matagal syang nawala sa aking paningin. Alam kong nahihirapan din sya katulad ko. Sino bang ina ang hindi malulungkot kapag ang kanyang anak ay mawawala sa kanyang piling?
Alam kong pilit din nyang nilalakasan ang loob dahil ayaw nya na nakikita ko syang umiiyak . Kaya nga hindi ko na sya pinasama pang maghatid sa akin sa airport. Lagi ko kasi syang sinasabihan noon, na ayaw ko syang nakikitang umiiyak. Naranasan na nya kasi noon na umiiyak dahil hindi nya alam kung saan kukuha ng pera para mapag-aral lang kami. Kaya ngayon. alam ko na tapos na ang yugto iyon sa aming buhay , at pinipilit ko talagang hindi na sya mamublema pa sa buhay,ngayon.
“Nay, ingatan nyo po ang kalusugan nyo ha, at huwag na kayong iiyak pa! Basta ako ng bahala sa mga gastusin sa bahay.Ipangako nyo lang na hindi nyo pababayaan ang kalusugan nyo. Huwag na kayong kakain pa ng matatabang pagkain, dahil bawal yun sa inyo. Yung vitamins na uwi ko, inumin nyo yun araw araw ha. Saka wag kayong mag-alala sa akin dahil okay na okay ako sa Saudi. Kayo lang ang iniisip ko, basta ingatan nyo ang sarili nyo at mahal na mahal ko kayo” habilin ko sa aking nanay.
Niyakap ko sya ng ubod ng higpit, ayaw ko ng bitawan pa ang nanay sa aking pagyapos.Sinusulit ko ang bawat minuto dahil matatagalan pa bago muli ko silang makasama.Pinipilit kong damhin ang yapos ng nanay at memoryahin ito sa aking alaala, para madama ko pa rin sya kahit ako’y mag-isa.Gusto kong punan ng aking mga yakap ang mga araw na wala ako sa tabi nya.
“Sige na anak iniintay ka na ng Ninong mo!” sambit ng aking ina.
Bagamat hindi ko nakita ang kanyang mga luha, ramdam ko ang kalungkutan nya. Marahil naalala pa rin nya ang bilin ko na ayaw ko syang nakikitang umiiyak. Alam kong pinipigilan nya ang pagpatak ng kanyang luha. Dama ko ang mabigat na pagtibok ng kanyang puso at ramdam ko ang kanyang pangulila sa akin.
Nagmadali akong sumakay sa kotse habang kumakaway ang aking mga kapatid at ang aking nanay.Gusto kong pigilin ang oras pero tila mas lalo itong bumibilis. Habang ang kotse ay nagsimula ng umaandar at lumayo nakita ko ang nanay na umiiyak. Pakiwari ko’y gusto nya akong pigilan, pakiramdam ko nahihirapan din syang nakikita akong nagpapaalam. Gusto kong bumaba sa kotse at yakapin muli ang nanay, subalit nilakasan ko na lang ang aking loob at hayaang mawala na lang sila sa aking paningin habang ako ay papalayo.
Habang binabaybay ko ang daan papuntang airport, muling nanunumbalik ang mga masasayang alaala at magagandang nangyari sa aking bakasyon. Muling nanariwa ang mga sandaling naramdaman kong kumpleto ako. Nanumbalik sa akin ang totoo at walang hanggang kasiyahan dahil buo kami bilang pamilya. Tila napakabilis ng byahe noon, mas nararamdam ko na ang aking napipintong paglisan
Saktong alas 9:00 ng umaga dumating kami sa paliparan. Napakaraming tao ang naroon, marami sa kanila ang katulad kong OFW rin. Maraming akong nakikitang umiiyak, marami rin akong naririnig na nagpapaalam. Iisa marahil ang pakiramdam namin, pare-pareho lang din siguro ang lungkot namin.
“Anak, paano ba yan magkakahiwalay na naman tayo!!” sambit ng aking ama
“Tay, mabilis lang ang panahon kaya tyak magkakasama uli tayo”tugon ko
Sinimulan ng ikaraga ng aking Ninong ang bagahe ko sa “trolley”, habang nakaakbay ako kay tatay. Nababanaagan sa tatay na mabigat din sa kanya ang aking pag-alis.
“Sana sa mga susunod na taon sama sama na tayo at hindi mo na kailangan pang bumalik sa Saudi, Anak” sabay yakap sa akin ng mahigpit
“Oo nga tay!kung bakit naman kasi ang hirap ng buhay sa Pinas!Kung bakit ang kailangan ko pang umalis, kung bakit kailangan pa nating maghiwa-hiwalay” panginginig ng aking boses.
Halos gusto ng tumulo ng aking luha, subalit pinipigilan ko ang pagpatak nito. Masakit sa lalamunan kapag pigil ang emosyon subalit mas masakit ang katotohanang iiwanan ko na sila.
“Tay, ingatan nyo kalusugan nyo ha! Kayo na rin bahala kina nanay! Mahal na mahal ko po kayo” Sabay halik sa aking tatay sa huling sandali
Inalis ko pagkayapos ko kay tatay, dahil kailangan na naming maghiwalay. Kinuha ko na ang aking trolley at tumalikod na sa kanila papunta sa pinto ng paliparan.
Muli akong sumulyap habang akong papalayo, at nakita ko ang tatay na namumula ang mata dahil pinipigilan nyang umiyak. Dali akong pumasok sa pinto ng paliparan dahil hindi ko kayang tingnan ang tatay ko, at natatakot akong na sumabog lang bigla ang aking emosyon.
Mabibilis na hakbang, sunod sunod na paghinga ang aking ginawa. Umaasang sa bawat mabilis na hakbang ko, kasunod nito ang pagbilis ng panahon. Patuloy akong aasa na sana hindi ko na kailangan ko pang umalis at magtrabaho pa sa ibang bansa. Aasa akong hindi ko na kailangan pang magpaalam sa mga mahal ko sa buhay. Aasa akong magkakasama-sama uli kami. At aasa akong sana hindi na muli darating pa ang katulad na araw na ito.
Alam kong kailangan kong magsakripisyo, alam kong kailangan nila ako. Masakit para sa kanila ang nakikita akong nagpapaalam, ngunit mas doble pala ang sakit kung ikaw ang magpapaalam. Bibitbitin ko na lang ang mga magagandang alala nila, sasariwain ko na lang ang mga panahong kasama ko sila. Panibagong pakikibaka na naman ang aking gagawin, panibagong hamon na naman ang aking kakaharapin.
Sana kasama ko sila sa mga laban ko sa buhay, sana nandyan sila para suportahan ako sa aking pakikipagsapalaran sa mundo. Pero okay lang kung mag-isa ako ngayon, sila naman ang inspirasyon ko sa ibayong dagat at sila din naman ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap ng ganito. Di bale ako na ang mahirapan, di baleng ako na lang ang magsakripisyo basta nakikita ko lang silang masaya at kuntento.
Naalala ko tuloy ang sinabi ko noon sa aking kaibigan noong tinanong nya ako kung ano pa ang kaya kong isakripisyo para sa pamilya ko. Sumagot lang ako sa kanya:
“Kung ang buhay ko ay kasing halaga ng 10 milyon, handa kong ipalit ang buhay ko sa 10 milyon para sa pamilya ko, ganyan ko sila kamahal at ganyan sila kaimportante sa buhay ko”
Sana magkasama sama na kami……sana malapit na……… sana bukas na.
"Paging all passenger of Cathay Pacific Flight 743 please go on board......."
At ito na ang hudyat ng aking pagpapaalam at paglisan.
Salamat po sa oras nyo,
Sunday, November 22, 2009
Pa-Burger ka naman Efren

As usual, walang salubong na magaganap, o kaya mga interviews sa kanya dahil hindi naman sya boksingero. Wala naman syang belt na may ginto at diamante. Ang tanging meron lang sya ay KARITON na naging daan para mabago ang buhay ng mahihirap na batang Pilipino.
Biruin mo yun hindi na kailangan pang mamatay at ilagay ang pagmumukha sa pera para maging bayani. Kaya kung hihiling ako kay Papa Jesas, hihiling ako na sana yung kabutihan ni Efren ay maging isang epidemya o parang isang dengue/ H1N1 na kung saan pag nahawahan ka nito ay tutulong ka rin sa kapwa mo . Ganun! Pero huwag naman gawing TULO o kaya ALMORANAS ni Papa Jesas kasi panget naman yun!hehehe!
Nakakatuwa na nanalo din sila ng 100,000 dollars o tumataginting na 4.7 Million pesos (depende sa palitan ng piso sa dolyar) aba hindi na nya kailangang makipagbasagan pa ng mukha para manalo ng ganung kalaking pera.
Teka sesegway lang ako, kasi maganda yung sinabi ni Efren na ito eh! English ito kaya ihanda ang tissue baka dumugo ang tenga’t ilong mo:
"So to each and every person inside in this theater and for those who are watching at home, the hero in you is waiting to be unleashed. Serve, serve well, serve others above yourself and be happy to serve. As I always tell to my co-volunteers ... you are the change that you dream as I am the change that I dream and collectively we are the change that this world needs to be."
Grabe lumabas pati luga ko sa English ni Efren na yan! Totoo naman kasi yung sinabi ni Efren na lahat tayo ay may tinatagong kabayanihan at kabutihan sa sarili natin. Yung iba nga lang masyadong tagong tago at naka-padlock pa!Kaya hindi mo nahahalata!Hehehe
Nabigyan ako ng pag-asa na yung boss kong EPAL ay may tinatago ding kabutihan, at kapag nakita ko ang tagong tagong kabutihan ng boss ko na iyon..... magpapainom ako ng isang case na beer at may pulutan pang boy bawang at chikito (yung parang nagaraya)
Basta sobrang saludo ako kay Efren ,sampu ng kasama nya sa Dynamic Teen Company (DTC) dahil sila ang totoong bayani ng lahing Filipino. Pinatunayan nyo na hindi na kailangan pang mamatay para sa bayan, hindi na kailangang manalo ng pitong world title o magpabugbog sa kalabang Mehikano at hindi nakailangang maging presidente para maging isang Bayani. Ang busilak nilang puso sa pagtulong sa kapwa ay sapat na para kilalanin ng mundo at gawin isang TUNAY NA BAYANI NG LAHING PILIPINO. Kaya lalong nakakaproud maging isang Pilipino dahil sa inyo.
Yan lang mga kautak! Salamat sa time!Sige ibalik mo na ang daliri sa ilong at mangulangot ka na uli!
Salamat
Drake
Thursday, November 12, 2009
Post-Bertdey Post!
Heto ang prueba na meron talaga akong cake nung bday ko at hindi ito isang imahinasyon lamang.
Sarap noh! At sa 27 years of existence sa planetang ito (alien??) eh ngayon lang ako naka-ihip ng kandila sa ibabaw ng cake. Syempre pagkakataon ko nang magwish, kaya pumikit ako ng matagal at nagwish na sana next year….......ube flavor naman!whahahah. Nagwish ako na sana dumami pa pera este kaibigan ko.
Heto pa ang maganda dyan, wala akong balak magblowout kasi wala naman akong pera dahil ubos na ang sweldo ko. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, tinawag ako ng boss ko at binati ng “HEYPI BERTDEY” (nagpapansin kasi ako sa kanya at nagsuot ng damit na pula). Sabay abot ng pera, sabi nya pamblow-out ko daw. Naks! Eh di na ako nagpakipot pa at binilang ko agad yung pera , joke lang,, nagpasalamat agad ako sa kanya. Kaya hayun nagkaroon ako ng pera (nagdalawang isip pa nga ako kung ipanlilibre ko talaga yun o pambibili ko ng wireless keyboard at mouse hahaha). Pero sabi ng boss ko pamblowout kaya pinamblowout ko. Napakabait talaga ng boss ko.
At heto pa ang pinakanatuwa ako ay nang biglang may nagmessage sa akin at pinapabukas sa akin ang isang video file. Akala ko naman ay sex video yun kaya naexcite ako ng konti. Pero halos tumulo ang sipon ko na ito pala ay isa ..........TENEN.......... video greetings mula sa aking pamilya. Kaya sobrang tats na tats ako, ibig sabihin nun eh marami palang nagmamahal sa tulad kong mongoloid. Para akong artista talaga na merong VTR pa , habang ininterbyu ng mga hosts ng SOP o ASAP. Ibang klase talaga nag pakiramdam.
Tapos may picture greetings pa mula sa mga fellow bloggers at mga kaibigan ko. Kaya san ka pa, ubod ng saya ng aking bertdey! Isa talaga itong bertdey na hindi ko makakalimutan!hehhehe!
Kaya sa inyong lahat maraming maraming salamat talaga. Pagpalain pa sana kayo ni Papa Jesas!
Ingat!
P.S
Para sa nagbigay ng cake maraming maraming salamat, sana wag ka munang kunin ni Lord!Isang kiss na may tunog para sa iyo....... mwaaaahhhh! hehehhe
Monday, November 9, 2009
PIKTYUR GRITINGS
Tuwang tuwa ako sa inyo, sobra nyo akong napasaya. Nakakalaglag brief lang na marami ang nagpadala ng kanilang piktyur gritings. Aaminin ko matagal kong pinag-isipan ito kung hihingi ba ako,kasi baka mapahiya lang ako. Hindi ko nga alam kung may nagbabasa ba talaga ng blog ko, isa pa konti lang naman kayong kaibigan ko dito (kaibigan ko na kayo pwede ba?). Konti din naman kayong nasa bloglist ko kaya sobra talaga akong nagulat na talagang nagbigay kayo ng panahon para dito.
Gusto kong umiyak sa sobrang tats kung alam nyo lang. Hahahhaha!! (pwedeng pangstarstruck) At kung pwede bang puntahan ko kayo isa-isa para i-kiss at ilibre eh ginawa ko na kasi nga di ko naman inaasahan ito. Kaya maraming maraming salamat talaga! Hindi ko kayo makakalimutan isa-isa.
Ayaw ko ng patagalin ang kwento ko, saka dalawang linggo talagang di ako nagpost para dito. Basta mga ASTIGGGGGG KAYO!!! Taas ang kamay ko sa inyo!!
Kaya heto ang aking video, pagpasensyahan nyo na ha!!!
P.S
Iwan na rin kayo ng comment para sa bday ko!!hehehe!Salamat uli!!
Saturday, October 31, 2009
HABERDEY!!

Oo tama ang iyong nabasa, hindi ako putok sa buho o isang nilalang na biglang nalang sumulpot dito sa ating planeta. Nagbebertdey din ako , kala nyo ba! Pero alam nyo mayroon akong sasabihin sa inyo. Ka-emohan mang matatawag pero alam nyo ba na kahit minsan ay hindi pa ako nakakaranas na magkaroon ng keyk sa aking bertdey. Pangarap kong umihip man lang ng kandila sa ibabaw ng aking bertdey keyk habang nakapikit at nagwiwish. Pero talagang wala eh, gusto ko sanang regaluhan ang sarili ko nito pero naisip ko..parang niloloko ko lang ang sarili ko. Mongoloid??
Umabot ako sa ganitong edad na hindi ko man lang nararanasan ang ganyan, at isang beses lang ako pinaghanda ng aking magulang sa aking berdey (palabok at tinapay lang ang handa ko, tinipid pa ang rekado at palaman ng tinapay ko). At ang hindi ko pa makakalimutan ay noong pinaalalahan ko ang aking tatay na magsisimba ako kinabukasan kasi bertdey ko, kaya gisingin nya ako ng maaga. Pero hayun hindi ako ginising at nagsimba sila. Pagdating sa bahay nagulat pa sila kung bakit maaga akong nagising! Sabi ko wala ba kayong naalala?Sabi nila…uhmmm wala bakit may ano ba? Akala ko ginugudtaym lang nila ako, pero yun pala totoong nakalimutan nila na bertdey ko at nakalimutan nilang gisingin ako ng maaga para magsimba. Hayun natampo talaga ako dahil para namang wala akong kwenta at silbi. Minsan lang sa isang taon ako bebertdey at misan lang din ako magsisimba, nakalimutan pa nila. Lahat ng kapatid ko ginigising nila pag bertdey nila, may bati pa yun samantalang ako wala lang.. Alam ko namang lab na lab nila ako pero yun nga lang lagi ko pa ring naalala ang pangyayaring iyon kapag sasapit na bertdey ko.
Kakaunti lang ang bumabati kapag bertdey ko dahil halos hindi ko na naman kasi pinapahalata na bertdey ko. Hindi ako nagsuuot ng pula, at lalong hindi ako ngumingiti bawat oras kapag bertdey ko. Parang ordinaryong araw lang, at tanging mga malalapit na tao lang sa buhay ko ang nakakaalam nito. Kaya sobrang tats na tats ako kapag binabati nila ako, kahit na minsan forwarded messages lang yun kasi ibang pangalan ang nakasulat imbes na pangalan ko. Pero okay lang!
Dati noong estudyante pa ako, ayaw kong pumasok kapag bertdey ko kasi ayaw kong maging “center of attention”nila. Ibig sabihin nun ayaw kong lagi nila akong kantyawan na kailangan lagi akong maging mabait sa kanila at kailangang ilibre ko sila. Ano sila sinuswerte,sino ako? si Santa Claus? Kaya mas maiging pang umabsent na lang at manood ng Sesame’s Street sa bahay. Dahil pagkatapos ng bertdey ko, wala lang nakalimutan na nila.
Sobrang natatats din ako kapag may nagreregalo sa akin. Minsan lang ako regaluhan at madalas pang brief saka panyo at regalo nila sa akin.Yung brief extra large pa ang size, eh wala naman akong luslos! Hindi ko alam kug bakit brief at panyo ang regalo nila siguro dahil nakikita nila parang bacon ang garter ng brief ko, o di kaya nakikita nilang tumutulo ang sipon kong green na green. O baka dahil mura lang yun at ito rin ang regalong hindi nangangailangan ng sobrang pag-iisip. Sabagay sino ba naman ako para regaluhan? Pero ano pa mang regalo yun tats na tas ako.
Konti lang kayong kaibigan ko dito sa blosphere, kaya hindi naman ako nageexpect na marami ang magbibigay ng picture greetings, pero sa mga babati eh hindi nyo lang alam kung gaano ako magiging masaya kahit dalawa lang kayo o tatlo. Hindi naman ako naiingit kay Jepoy, kasi marami naman talagang kaibigan ang nagsasalitang ponkan na yun (peace man) . Masaya na akong may bumabati sa akin, at sa mga hindi babati sa akin, next year magbebertdey kayo at sana maging last bertdey nyo yun este sana magkaroon pa kayo ng maraming marami pang bertdey!Babatiin ko kayo pramis!Hidni naman ako gumaganti.hehhee!
Emo ako ngayon dahil madadagdagan na naman ang edad ko! Salamat sa pagbasa.
Ingat